Inihirit ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano sa Philippine National Police o PNP ang inspeksyon sa mga baril na narekober sa mga drug suspect na nanlaban umano sa mga aarestong pulis.
Ayon kay Alejano, dapat mabatid ang bilang ng mga armas na nakumpiska sa mga suspek na nakipag-barilan umano sa mga otoridad sa kasagsagan ng Oplan Tokhang noong 2016 hanggang 2017.
Batay aniya sa nakalap na datos ng PNP mula Hulyo 2016 hanggang Setyembre noong isang taon, 37.1 percent ng mga narekober na baril ay caliber .38 na pinaka-murang armas.
Mayroon ding mga narekober na caliber .45 at 9mm pistols habang ang serial number ng ilang baril ay burado at hindi rin nababanggit sa karamihan sa mga spot report ang uri ng armas na natagpuan sa crime scene.
Dahil dito, naghihinala ang kongresista na ini-recycle ang mga baril pero kanyang nilinaw na mahalaga pa ring mapatunayan ito sa pamamagitan ng inspeksyon.
—-