Inatasan ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng mga police commanders na mahigpit na bantayan ang kanilang mga nasasakupan kaugnay ng mga establisyimentong lumalabag sa community quarantine protocols.
Kasunod ito ng pagdami ng mga naaresto habang nasa loob ng mga bars at iba pang mga lugar ng inuman.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Police Lt. General Guillermo Eleazar, maituturing nang paglabag sa guidelines ng Inter-Agency Task Force at lokal na ordinansa ang pagtanggap ng customers ng ilang mga bars.
Ito ay dahil sa ilalim ng IATF guidelines, hindi pa pinapayagan ang pag-ooperate muli ng mga bars sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
Habang iilang establisyimento pa lamang ang pinahihintulutan ng mga local government units na magbenta ng limitadong dami ng mga nakalalasing na inumin.
Sinabi ni Eleazar, kanila nang inatasan ang mga police commanders na makipag-ugnayan sa mga lgu’s para matiyak na mapaparusahan at mapapatawan ng multa ang mga lumalabag na mga indibiduwal at establisyimento.