Mga bata at matatanda ang dapat ingatan ngayong panahon ng tag-init.
Pinaalalahanan ni Doctor Tony Leachon, isang health advocate ang mga magulang na tiyaking hydrated o laging pinaiinom ng tubig ang kanilang mga batang anak.
Gayundin aniya ang dapat gawin ng mga adults na kung maaari ay uminom ng tatlo hanggang apat na litro ng tubig sa maghapon, magsuot ng light clothing at iwasang magpa araw.
Ayon kay Leachon, napakalaki ng posibilidad ng heat stroke kapag umabot sa 40 degrees Celsius pataas ang init na nararamdaman ng katawan.
Matatandaan na nitong mga nakaraang araw, ilang lugar sa bansa ang nakapagtala ng heat index na lampas 40 degrees kung saan pinakamataas ang mahigit sa 51 degrees Celsius sa Dagupan.
“Pwede po sila magkaroon ng tinatawag na heat stroke at ang number one na problema niyan sila ay nagkaroon ng delirium, bumibilis ang heart rate, bumababa ang blood pressure, tapos hindi na nakakaihi at kung umihi man medyo dark color o kulay iced tea. So eto ang mga senyales po at huwag tayo uminom ng alak sa init ng araw kasi diuretic din po ‘yun madedehydrate po tayo.” Pahayag ni Leachon.