Mga mommies, huwag na kayong makipagtalo sa inyong asawa kung sino ang kamukha ng inyong baby…
Ito ay dahil lumabas sa isang pag-aaral na ang mga babies na kamukha ng kanilang daddy ay mas malusog lalo na sa pagtuntong ng isang taong kaarawan nito.
Bukod dito, mababa rin ang tiyansa na magkaroon ito ng asthma o hika o kaya ang isugod o ma-confine sa ospital nang mas mahabang panahon.
Paliwanag ng mga eksperto, ang mga tatay na nakikitang kamukha nila ang kanilang mga babies ay naglalaan ng mas mahabang oras o panahon kapiling ang kanilang anak na umaabot nang hanggang dalawa’t kalahating araw.
Mas naglalaan din ang mga nasabing ama ng mas maraming atensyon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng kanilang anak na nakatutulong para mabawasan ang banta ng pagkakasakit ng mga ito.
Nagpapatunay ito na ang presensya ng isang ama ay mahalaga sa pagpapalaki ng mga bata na nakatutulong at nakaapekto naman ng malaki sa kalusugan ng mga ito.
Pinatutunayan din nito na mas ganado at nasisiyahan ang mga ama na makapiling at alagaan ang kanilang mga kamukhang anak.
Gayunman, hinihimok pa rin ng mga eksperto ang mga tatay na tutukan ang pagpapalaki sa kanilang anak kahit pa hindi nila ito kamukha.
—-