Libre na ang pagpapagamot ng mga batang tinurukan ng Dengvaxia sa lahat ng pribadong ospital sa buong bansa.
Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Francia Laxamana, nagkaroon ng kasunduan ang ahensya at mga private hospitals na libre na ang kanilang serbisyo at hindi na rin hihingan ng down payment ang mga Dengvaxia recipients.
Sagot ng PhilHealth ang pagpapagamot o kung wala naman itong health insurance ay dapat na agad itong i-enroll.
Kung sosobra ang hospital bill sa sasagutin ng PhilHealth ay inaatasan naman ang mga local government unit na akuin muna ang pagbabayad nito at i-reimburse na lamang sa DOH.
Bukod sa mga pribadong ospital, hinikayat ni Laxamana ang mga biktima ng Dengavaxia na magpagamot sa government hospitals dahil kumpleto ito sa pasilidad at may sapat na mga eksperto.
—-