Marawi—Ang noo’y sentro ng kalakalan at mayamang kultura sa Katimugang bahagi ng Pilipinas, sa isang iglap ay nasira, nabalot ng takot, dumanak ang dugo, at napuno ng luha at hinagpis.
Tumagal ng limang buwan ang walang humpay na labanan sa pagitan ng tropa ng militar at Maute – ISIS matapos na kubkubin ng teroristang grupo ang syudad.
Wika nga, “Walang nananalo sa anumang klase ng giyera, lahat ay talo”.
Sa pagtatapos ng giyera sa Marawi, ano ang naging kabayaran?
____
“Bayang magiliw, Perlas ng Silanganan,
Alab ng puso, Sa dibdib mo’y buhay.”
“Lupang Hinirang, duyan ka ng magiting,
Sa manlulupig, ‘di ka pasisiil.
Sa dagat at bundok, sa simoy at sa langit mong bughaw,
May dilag ang tula at awit sa paglayang minamahal.”
____
Kabuuang isandaan at animnapu’t limang (165) mga sundalo ang nagbuwis ng buhay para mapalaya ang syudad ng Marawi.
Hindi sapat ang anumang salita para ibigay ang pagsaludo sa mga sundalong sumabak sa operasyon sa Marawi City.
Buhay man ang kinuha, ngunit hangga’t maaari ay ayaw ding buhay ang maging kapalit dahil nais lamang ng bawat sundalo ay maibigay ang kalayaan sa bawat Pilipino.
Martir man kung maituturing, pero sa sundalong katulad nina Captain Jeffrey Buada at 1st Lt. Gerson Garcia, walang giyera ang hindi kayang suungin kahit buhay pa ang maging kapalit.
_____
CAPTAIN JEFFREY BUADA
Sariwa pa sa ala-ala ni Captain Jeffrey Buada, ang commanding officer ng 15th Scout Ranger Company, 5th Scout Ranger Battalion ng 1st Scout Ranger Regiment, ang mga kaganapan noong araw ng Oktubre 19, 2017.
Naaalala mo ba ang araw na ito?
Ito ang araw kung saan hindi nagdalawang–isip ang mga sundalo natin, kabilang na si Captain Buada, na ibaba ang kanilang mga armas para mailigtas ang hawak na mga bihag ng teroristang Maute.
“Hindi ko binalak ‘yun from the start, nangyari ‘yun noong nandoon na kami sa unahan.
Parang naging personal decision na lang ‘yun kasi nakita namin na mahirap na ‘yung sitwasyon ng hostages sa loob. ‘Yung iba sa kanila umiiyak tapos ‘yung iba mga bata kasi… tapos may mga sugat pa ‘yung iba.”
Dagdag pa ni Buada…
“So, kung kami is nahihirapan, how much more sa mga ganung kabatang edad? Nakaka – awa talaga ‘yung sitwasyon nila. Kailangan naming gumawa ng paraan kung paano sila mailabas.”
Batid ng tropa ni Buada na simula pa lamang, mas malaki na ang porsyento na maaaring hindi tumupad sa usapan ang kausap nilang mga terorista.
“Actually, may mga situation din talaga na hindi sila tutupad sa usapan. Magwi – wave sila ng flag pero hindi pala sila su–surrender… lalaban pa rin.
That time, kung walang gagawing paraan para mailabas ‘yung hostages, siguro… hindi na talaga sila makakalabas. DO OR DIE. KAILANGAN TALAGANG GUMAWA NG PARAAN.”
Aniya, para mapakita ang sinseridad sa pakikipag–usap sa terorista, nag–desisyon silang ibaba ang kanilang armas at hubarin ang protective gears.
“Bumalik ‘yung tropa ko doon para pasuotin ako ng mga protective gear pero napansin ko naman na parang nagiging okay man ‘yung resulta, so, hindi ko na rin sinuot.
Noong nakaharap ko sila, una is… galit kasi sila, ‘yung iba galit, ‘yung iba sumisigaw, sinisigawan ako sabi, ‘Hanggang d’yan ka lang, ‘wag kang lalampas dito’.
Pero dinahan – dahan ko ‘yung approach ko, so, nagpakilala man din ako tapos sinasabi ko lang sakanila na ‘yung sitwasyon ng hostages na sobrang hirap na hirap na.”
Kasabay nito, nakita din ng tropa ni Captain Buada ang paghihirap ng mga terorista sa nangyaring giyera kaya’t imbes na galit ang maramdaman dahil sa pagkamatay ng mga kapwa sundalo, nakaramdam umano sila ng awa.
“Makikita man sa mga mukha nila na nahihirapan din talaga sila sa nangyari sa Marawi.
Sa mga itsura nila, ‘yung iba nagugutom, humihingi ng tubig.”
May pagkakataon din na isang pader na lamang ang pagitan ng mga sundalo sa mga terorista o kaya’y nasa iisang gusali lamang sila.
“Iba – ibang araw, iba – ibang situation. May times na magkaharap na kayo, may times na nasa loob kayo parehas kalaban saka mga sundalo… nasa loob ng isang structure, may times din na pader lang ‘yung pagitan ninyo, may times din na mula sa malayo nag-i-snipe sila.”
Matapos ang naturang buwis-buhay na pagliligtas, saka lamang aniya nila napagtanto na napaka–delikado ng kanilang ginawa.
“Bale pagbalik namin parang doon namin naramdaman or na-realized ‘yung threat na ginawa namin. Ganun pala kadelikado ‘yun, buti na lang ‘di tayo binaril doon.
Kasi… nagputukan pa nung pagkatapos nung rescue. So, ‘yun nagpasalamat din ako na nailabas namin ‘yung hostages tapos nung nagputukan nakalabas din kami.
MASARAP SA PAKIRAMDAM NA NAKAPAG – LIGTAS NG BUHAY.”
Ani Buada, mahirap din para sa kanila ang makipaglaban habang nagluluksa sa pagkawala ng mga kapwa sundalo.
“Namatayan din ako ng tropa doon, so, alam ko talaga ‘yung… naramdaman namin ‘yung lungkot. Nasaktan kami… nalungkot… nabawasan kami ng mga ka-buddy namin pero… kailangan pa rin naming mag – push or gawin ‘yung tungkulin namin kahit nakaramdam kami ng mga hirap… nasaktan kami ng ganun.
KAILANGAN PA RIN NAMING GAWIN ‘YUNG MGA DAPAT GAWIN BILANG SUNDALO.”
Mahirap man ang pinagdaanan, aniya…
“Huwag na muna namin isipin ‘yung comfort. Kung anong meron dito, pagtitiyagaan natin.
KUNG ANO ‘YUNG TUNGKULIN NAMIN BILANG MGA SUNDALO, HANDA PA DIN KAMING GAMPANAN ‘YUN.”
Walang paglagyan ang kanilang saya nang madeklara nang malaya ang Marawi laban sa mga terorista ngunit ipinabatid ni Buada ang malaking panghihinayang.
“Masaya… na malapit nang matapos ‘yung mission at the same time, kung titingnan natin ‘yung naging resulta is nakakapanghinayang. Nakakalungkot din na maraming nagbuwis ng buhay, maraming nasira.”
Nagpasalamat ng lubos si Captain Buada sa lahat ng mga Pilipinong nagbigay ng suporta’t dasal para sa mga sundalo.
“Ramdam na ramdam namin ‘yung support ng tao. So, na – inspire kami na ang daming sumusuporta sa atin. Nababasa din namin sa mga social media na ang daming nagdarasal para sa mga sundalo. Malaking bagay ‘yun sa amin.”
Mensahe ni Captain Buada sa mga nasugatang sundalo:
“Doon sa mga nasugatan pa… PAGALING LANG TAYO, LABAN ULIT!”
Nagpahayag din ng pag–saludo si Buada sa mga sundalong sinawing palad sa naging bakbakan sa Marawi.
“Very proud ako na ‘yung tapang nila, ‘yung sakripisyo nila is hindi talaga matatawaran.
Saludong – saludo kami.”
Hiling ni Captain Buada ngayong Pasko:
“PEACE. Peace para sa lahat.”
_____
FIRST LIEUTENANT GERSON GARCIA
Naging salamin din ng katapangan si 1st Lt. Gerson Garcia, ang company commander ng 15th Division Reconnaissance Company sa ilalim ng 1st Infantry Tabak Division, at isa sa mga nakasama ni Capt. Jeffrey Buada sa buwis – buhay na operasyon para mailigtas ang mga bihag ng teroristang grupo.
Tunay na nasa dugo na nila ang pagsu–sundalo at pagmamahal sa bayan.
Ang panganay niyang kapatid na si 1st Lt. John Melvin Garcia na nasa Philippine Air Force (PAF) at bunsong kapatid na si 2nd Lt. George Bernard Garcia na nasa Philippine Army, ay kapwa niya nakasama sa pagkikipag – bakbakan sa Marawi.
Lubos na pasasalamat ang ipinabatid ni Gerson sa publiko dahil sa sa suportang ipinadama nito noong panahon ng Marawi siege.
“Pasalamat na din namin sa mga binibigay na support ng mga kababayan natin kasi during the Marawi siege doon namin naramdaman talaga na full support ‘yung mga kababayan natin. Talagang marami kaming natanggap na donations like mga bottled water, mga iba – ibang food stuff, medicines, toiletries, shirts, ultimong underwear.”
Nahirapan man noong una sa sistema sa pakikipag – bakbakan, nakasanayan na din kung paano makaka – survive sa battle field.
“Noong una nang hindi pa kami nakaka – establish talagang mahirap ‘yung tubig, umaasa na lang kami sa tubig – ulan, pero eventually naman medyo naka – established na kami, may time naman na nakakapag – igib ‘yung mga support group namin.
May mga naka – designate na ibang tropa na ‘yun lang ‘yung task nila. Sa’min po kasi sa company namin, ang nangyari is rotation. Hindi naman necessarily na lahat ng tropa kapag may mission kami is lahat nandun sa harap.
Kaya maganda ‘yung takbo ng operation namin kasi may time na nakakapag – pahinga ‘yung tropa, hindi naman masyadong babad dun sa harap.”
Pursigido nang tapusin ng tropa ng pamahalaan ang giyera sa Marawi kaya inilunsad na nito ang ‘final push’ para tuluyan nang mapuksa ang mga kalaban.
Ngunit, hindi inakala ng unit ni Lt. Garcia na hindi pala ganun kadali ang gagawin nilang hakbang para makuha ito.
“During that time, final push na talaga ‘yun, may mga hinahabol na kaming mga deadline.
Talagang ginawa namin lahat ng makakaya namin para mapabilis ‘yung movement namin noon, although talagang napaka – delikado nga.
Nung nangyari na may mga na–rescue kaming hostages, hindi namin inexpect na ganun kadami ‘yung nandun pa sa loob. Parang ‘yun na ‘yung pinaka – final span nila, ‘yung sa building 10. ‘Yung mga building kasi doon nilagyan namin ng mga number para coordinated sa ibang attending units namin.”
Dahil batid nila ang matinding hirap ng hostages, walang pasubaling isinugal nila ang kanilang buhay para mailigtas ang naturang hostages.
“Na – corner namin sila dun, napapalibutan na namin ‘yung building na ‘yun.
May napansin kaming gumagapang mula doon sa mga rubbles.
At first, hindi namin alam kung sibilyan siya or terrorist pero makita mo naman na ‘di na siya makakalaban kung terrorist man siya.
Gusto niyang lumabas dun, hirap na hirap siya, so, siyempre kami tao lang din kami, maaantig ‘yung damdamin mo na gusto mong tulungan ‘yung tao makalabas dun.
By the time na nilapitan na namin, doon na namin nakita na meron pa palang mas madaming hostages sa loob.”
Kwento ni Garcia, napaka – delikado ng kanilang tinahak na operasyon lalo pa’t nahati sa dalawang grupo ang mga terorista.
“Ako, si Sir Buada, tsaka ‘yung ibang mga tropa namin kasi nung lumalapit na kami, ayaw kasi nung ibang mga terrorist na magsilapitan talaga lahat.
Kasi nahati po ‘yung mga kalaban, meron ‘yung nakakausap namin ng medyo matino, ‘yung iba naman parang war shock, parang anytime babarilin ka.”
Hindi na ininda ng tropa ni Garcia ang nababadyang kamatayan bagkus ay pinanindigan ang tungkulin bilang sundalo.
“Iba kasi ‘yung situation, ‘yung ambiance doon sa lugar during that time, makita mo ‘yung mga batang umiiyak, may mga matatanda na rin, mga babae, so, KAPAG NAKITA MO MAAANTIG TALAGA ‘YUNG DAMDAMIN MO, kahit na sabihin nating nandun kami para ubusin ‘yung mga terorista, parang sinet-aside muna namin ‘yun.
Kinontrol muna namin ‘yung sarili namin para makuha namin ‘yung hostages nila.”
Ayon kay Garcia, may mga kondisyon ding hiningi ang mga terorista bago pakawalan ang mga bihag, at dito nila ipinakita na tutupad sila sa usapan.
“Ang ginawa namin is binaba namin ‘yung mga baril namin para mapatunayan sa kanila na wala kaming intent na barilin sila. ANG PRIORITY NAMIN NOON AY MAKUHA ‘YUNG HOSTAGES.
Wala na rin silang pagkain at tubig. During the negotiations, isa sa mga hinihingi nila sa’min, bago daw nila pakawalan ‘yung hostages nila bigyan muna sila ng pagkain at tubig kaya binigay namin lahat ng hinihingi nila.”
Aniya, hindi siya kinabahan sa pakikipag – usap sa mga terorista ngunit katulad ng inaasahan ay nagpaputok ang ikalawang grupo ng terorista, kung saan hindi na naituloy ang pagsagip sa ilan pang hostages.
“Nung nakikipag – usap kami hindi naman kinabahan.
Siguro… kinabahan lang ako nung nagkaputukan na ulit kasi diba nahati sila sa dalawang grupo, ‘yung isa gustong makipag–usap tapos ‘yung isang grupo is ‘yung nagmamatigas na ayaw makipag–usap. Nung nandun na kami sa loob, biglang may nagpaputok na naman ng baril nila.”
Handa nang mawala sa mundo ang isang 1st Lt. Gerson Garcia.
Kasama ang isa pang sundalo mula sa unit ni Capt. Buada naiwan sila sa loob nang magsimula ulit ang putukan para makuha pa ang ilan pang hostages.
“Naiwan kasi ako doon sa loob nung nagkakaputukan na kasama ko ‘yung isang tropa ni Capt. Buada, si Sgt. Sumalpong, sinabihan ko ‘yung mga kasamahan ko na umatras na kasi wala silang cover that time.
Hindi naman po kami makaalis agad – agad kasi meron pa kaming kinakausap na terrorist dahil may iba pang mga hawak na hostages.
We tried our best pa din na i-convince ‘yung mga terrorist na ibigay ‘yung nandun sa bungad na pero nung masyado nang lumakas ‘yung putok at to the point na kami na din ‘yung binabaril, dun na din kami umatras. Dun na din nagpatuloy ‘yung encounter with the terrorist.”
Gayunman, sa hindi inaasahang pagkakataon, ang kausap nilang terorista din ang tumulong sa kanila para makalabas sa gusali.
‘Yung grupo na kinakausap namin, wala na silang threat that time, ‘yung sa kabila lang ‘yun yung bumabaril sa amin.
So, kahit papaano may cover na konti at nakatakbo naman kami agad.”
Matapos ang naturang operasyon, maging sila ay hindi makapaniwala sa ginawa…
“Kami ‘yung na – task nun na… kung baga kung may resistance, dun sa building na ‘yun, nakahanda kaming i-assault na talaga ‘yun, without knowing na may hostages pa dun.
Hay ewan ko… kami nga din mismo parang nabigla nga lang din kami dun sa ginawa namin na talagang pumunta kami doon sa harapan.”
Masama mang ikatwa ang kamatayan ng isang tao, malaking tagumpay ang pagkumpirma na patay na nga ang mga lider ng mga terorista na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon na siyang naging utak ng paghahasik ng kasamaan sa Marawi, at kung hindi napigilan ay maaaring nasakop na ang ‘Perlas ng Silanganan’.
“Siyempre masayang – masaya, lahat naman kami that time doon sa block.
Masuwerte din kami kasi isa kami sa mga unit na nandun sa block na ‘yun, kung saan napatay si Isnilon Hapilon tsaka si Omar.
WORTH IT DIN ‘YUNG MGA SACRIFICE NG MGA IBA NAMING TROPA NA NAUNA NA.”
Ani Garcia, wala silang ideya na ang dalawang lider na nga ang kanilang napatay.
‘Yung ibang mga ka-buddy namin from Ranger units, sa LRR, sila po kasi ‘yung binigyan ng task na mag – snipe during night time. Sila po ‘yung nakapagbigay ng reports na sa ganitong oras may confirmed na namatay.
So, sa thermal namin na talagang may natumba dun sa may bandang kalsada tapos nung umaga na, doon na na – recover ‘yung naiwan na bangkay and then, later on na – find out na lang na si Isnilon pala ‘yun at si Omar.”
Dagdag pa sa magandang balita ang pagkaka – deklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang Marawi ngunit nakatatak pa din sa isip ng mga sundalo na hindi pa ito ang katapusan ng lahat.
“Siyempre masayang – masaya kami.
Although sinasabi ng relatives namin, ng family namin na, ‘Oh, tapos na pala, dineklara na ni President Duterte na na – liberate na ‘yung Marawi’.
Sinasabi pa rin namin sa families namin na hindi pa rin tapos kasi meron pa rin silang naiwan.
Tuloy – tuloy pa din ‘yung operation namin hanggang sa makuha namin ‘yung pinakahuling terorista na involved doon sa Marawi siege.”
Gayunman, kung mauulit man ang ganung pangyayari ay uulitin pa rin niya ang ginawang buwis – buhay na operasyon, kahit pa hindi niya noon nakita ang sarili na magagawa niya iyon sa hinaharap.
“Ang mga sinsasabi ng upper class ko, ng mga under class na ‘wag ko na daw ulitin pero… judgement call mo kasi ‘yun eh.
MASASABI KO SIGURO NA KAHIT SINONG SUNDALO NAMAN NA NANDUN SA SITWASYON NAMIN NI SIR BUADA GAGAWIN DIN SIGURO ‘YUNG GINAWA NAMIN.”
Ngunit, may kasabihan nga na maging ang mga bayani o super hero ay nakakaramdam pa din ng sakit at lungkot.
Malalim na buntong hininga at nangingilid na luha sa mga mata, ito ang mga ipinaramdam ni Garcia sa DWIZ bago niya sabihin ang mga salitang ito:
“Ako din kasi may namatay din kasing katropa ko, honestly, nung katatapos lang ng Marawi siege, maraming nagme–message sa’kin kung pwede ma-interview, pero parang ilang pa ako that time, wala po talaga akong pinagbigyan.
Kasi inexpect ko na ganito, ipapa–kwento, until now po masakit pa rin eh… kapag inaalala mo ‘yung nangyari lalo na ‘yung mga kasama namin na nauna na.”
Tiniyak din ni Garcia na hindi masasayang ang mga naging sakripisyo ng mga kapwa sundalo para makamit ang kalayaan ng bansa.
“We make sure naman na hindi mauuwi sa wala ‘yung sacrifices nila na binigay para ma-maintain natin ‘yung kalayaan ng bawat kapatid nating Pilipino.
Napasukan na kasi tayo ng ISIS, ibig sabihin nun gusto na nilang ma-claim ang territory nila, so, ‘pag naging successful ‘yung ginawa nila, sigurado uunti – untiin na nila ang bansa natin.
Unfortunately, hindi naman sila nagtagumpay at na supressed natin ‘yung threat na dala nila.”
Kasabay ng pasasalamat sa mga Pilipino dahil sa mga suporta nito sa mga sundalo, nakiusap si Garcia sa publiko na manatiling vigilant at makipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kaligtasan ng lahat.
“Sana po maging cooperative po sila na maging security conscious din po para din po matulungan kami sa AFP. ‘Yung simpleng pagre – report ng presence ng mga terorista kasi malaking bagay na po ‘yun, security naman is everybody’s concern naman po ‘yan.”
Ipinabatid ni Garcia ang kanyang kahilingan ngayong Pasko, hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kapwa sundalo at pamilya ng mga nasawing sundalo.
“Sana lahat ng mga pamilya ng mga kabaro namin na hindi masyadong pinalad is maka – cope up ng mas mabilis o maka – recover sa lungkot na dinaranas nila ngayon, at sana mapabilis ‘yung recovery ng mga kasama naming kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.”
Dagdag pa ni 1st Lt. Gerson Garcia…
“SANA PO AY MAGISING ‘YUNG PATRIOTISM NG BAWAT PILIPINO para din po kahit papaano ay matulungan kami sa AFP sa paglaban sa terorismo dito po sa bansa natin.”
____
“Ang kislap ng watawat mo’y tagumpay na nagniningning,
Ang bituin at araw niya kailan pa ma’y di magdidilim.
Lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta, buhay ay langit sa piling mo;
Aming ligaya, na pag may mang-aapi, ang mamatay ng dahil sa iyo.”
____
Hindi pa rin maituturing na tagumpay ang pagkaka – sugpo sa mga terorista sa Marawi City.
Ito ay dahil hindi lamang Maute – ISIS ang nawalan ng mga kabaro, nalagasan din ang tropa ng gobyerno para mapadapa ang kasamaan.
Gayunman, sa kabila nito, hinding – hindi matutumbasan ng anumang halaga ang pagbubuwis – buhay ng ilan nating mga sundalo para makamit ang naturang kalayaan.
Sabi nga nina Captain Jeffrey Buada at 1st Lt. Gerson Garcia, sisiguraduhin natin na hindi masasayang ang mga buhay na nawala, mapa – sibilyan man o sundalo.
Kabilang na dito ang mga kabayanihang ibinahagi nina Corporal Rolan Sumagpang, Private 1st Class Sherwin Canapi at 1st Lt. John Frederick Savellano.
_____
CORPORAL ROLAN SUMAGPANG – MARINE
“Pangarap niya talagang maging sundalo at mai-ahon kami sa kahirapan.”
Ito ang emosyonal na lahad ni Evelyn Sumagpang, ang ina ni Corporal Rolan Sumagpang.
Si Corporal Sumagpang ang isa sa mga naka – rekober sa milyong pera ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Ngunit sinawing palad na mamatay si Sumagpang nang mabaril ng teroristang grupo noong Hunyo.
Kuwento ni Nanay Evelyn, hindi na bago na ma–assign si Sumagpang sa Mindanao pero hindi nila inakala na noong Hunyo 1 ay ang simula na ng hirap ng kanyang anak sa pakikipagbakbakan.
Aniya, ikinikwento ni Rolan ang hirap nila sa pakikipagbakbakan lalo na sa paliligo at sistema ng pagkain.
Hindi umano sila pwedeng magluto dahil posibleng matunton ng Maute ang kanilang kinaroroonan.
“Miyerkules, petsa 7 tumawag, ‘Mama, grabe ang namamatay dito… doon nga may namatay, tinamaan sa ulo, sabog.
Sabi ko, ‘Nonoy mag – iingat ka’
Sabi niya pa, ‘Pero Mama nakita mo sa balita ‘yung nakuhang mga pera, kung ano – anong armas?’
Sabi ko’y ‘Oo’
Sabi niya, ‘Kami ang nakakuha noon’.
Sabi niya kahit sa paligo mahirap dahil mahirap ang sitwasyon nila. ‘Yun na ang huling kausap ko sa anak ko.”
Hunyo 9 naman nang ibinalita kay Nanay Evelyn na nasawi sa bakbakan si Rolan.
Ani Nanay Evelyn, nang malaman niya na magsu – sundalo pa lamang ang kanyang anak ay agad niya itong tinutulan.
Ngunit…
“Ang sabi naman ng asawa ko, ‘Ang tao kahit saan kung mamamatay ‘yan, mamamatay ‘yan.
Pero itong anak kong ‘yan, ‘yan talaga [ang pangarap niya].”
Wika ni Nanay Evelyn, ngayon ay batid na niya ang dahilan ng kanyang anak kaya napili nito ang propesyon, dahil hindi ito takot na mamatay para sa bayan.
Masakit man aniya pero tanggap na niya ang kaloob ng Diyos sa kanyang anak na si Rolan.
Hiling ni Nanay Evelyn ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak sa pamamagitan ng tuluyang pagdurog sa mga terorista.
“Minsan talaga bumuka sa bibig niya na, ‘Mama kapag ako namatay, sa’yo lahat ‘yan.
Sabi ko, ‘Hindi na ako hihingi kung ganyan ang sasabihin mo’.
Pero talagang malambing ‘yung anak kong ‘yun.
Sabi ko lang lagi siyang mag – pray dahil ‘yan ang armas natin pero hanggang dun na lang talaga.
NAGING BAYANI NGA SIYA, TUNAY NA IPINAGLABAN NIYA ANG BANSA PARA SA KAPAYAPAAN.
Kaya sana nama’y maging mapayapa na talaga at matapos na ng lubos talaga ang giyera dyan sa Marawi at magkaroon na ng kapayapaan ang lahat.”
_____
PRIVATE FIRST – CLASS SHERWIN CANAPI
Noong nakaraang Undas ay inalala ni Ginang Anna Violeta Canapi ang pagkamatay ng kanyang anak na si Private First – Class Sherwin Canapi.
Si Sherwin ay isa din sa mga nasawing sundalo sa bakbakan sa Marawi.
Ani Ginang Anna, masakit pa din para sa kanya na isiping wala na ang kanyang anak lalo pa’t napaka – bata pa nito.
Hindi naman mapigilan ang anak sa ambisyon nito kaya’t lagi na lamang umanong ipinagdarasal ito.
“Sabi niya po sa akin, ‘MAMA KAHIT SAAN AKO NAROROON, MAY SINUMPAAN KAMING TUNGKULIN, KAILANGAN PANINDIGAN KO’.”
Kwento ni Nanay Anna, pagkatapos ng bakasyon ni Sherwin ay agad na itong nagtungo sa Marawi at muling inulit sa kanya ang mga katagang “sinumpaang tungkulin” aniya niya ang pagsu–sundalo na dapat gampanan.
Aniya, para siyang pinagbagsakan ng mundo noong malaman niyang nasawi ang kanyang anak.
Ngunit kasabay nito ay ang pagiging sobrang proud niya sa kanyang anak sa pagtatanggol ng sa bayan.
Lalo pa’t hindi lamang aniya ang Pangulong Rodrigo Duterte kundi ang iba pang military officials ang nagsasabing napaka–sipag at mapapag–katiwalaan ang kanyang anak, ngunit nanghihinayang umano sila dahil sa pagkasawi nito.
“Pinanghihinayangan niya po ang anak ko… ‘yung iba pong humawak sa kanya… marami daw po siyang skills, pwede kahit saan dalhin.
Napakatapat po talaga nyan [ng anak ko] sa tungkulin niya po.”
Sa huli, ipinabatid sa DWIZ ni Ginang Anna na labis na katuwaan ang kanyang naramdaman nang malaman niyang hindi nasayang ang pagkamatay ng kanyang anak dahil isa ito sa mga nagbigay ng kalayaan sa Marawi City.
Aniya, ipinagdasal niya ang paglaya ng Marawi para na din makamit ang hustisya para sa kanyang anak na si Sherwin.
_____
FIRST LIEUTENANT JOHN FREDERICK SAVELLANO
“It’s not ‘CONDOLENCES’, it’s ‘CONGRATULATIONS’, because we produced a HERO.”
Ito ang nakaka – antig na mensahe ng ina ni 1st Lt. John Frederick Savellano, na si Ginang Mercy Savellano na ipinost niya din sa social media.
Si Lt. Savellano ay ang namuno sa isang operasyon sa Marawi City kung saan narekober ng kanilang batalyon ang milyong pisong pera at mga armas ng teroristang grupo na Maute.
Bilin ng ina…
“Sabi ko sa kanya, ‘Don’t do anything that will harm your career’, sabi kong ganun.
Sabi niya sa akin, ‘It’s not about my career Mama, ang pagkatao ko ang nakasalalay dito’
Ngunit, sinawing palad si Lt. Savellano nang atakihin ang kanyang tropa ng naturang mga terorista na siyang kumitil sa kanyang buhay.
Ayon kay Ginang Mercy, natural na kay Lt. Savellano ang pagiging responsable, ma–prinsipyo at makabayan.
“’Nung bata siya ‘di namin siya nakitaan sa kanya ‘yung pagiging sundalo pero naglalaro – laro siya ng mga baril – barilan pero ‘di sumagi sa isip namin na magsu–sundalo siya kasi wala naman s’yang binabanggit.
Until such time na… nitong namatay siya, nalaman namin na gusto niya pala talagang mag – sundalo at magsilbi sa bayan.”
Huling linggo ng Mayo nang malaman nila na ipapadala ang kanyang anak sa Marawi City at nito ngang Hunyo ay nakarating ito sa lungsod.
“To pray then mag – ingat siya, the usual na sinasabi namin sa kanya, alagaan niya ang sarili niya, mag – ingat siya, ‘wag mag – isip.
We pray for him. Pini – pray over namin siya every time he is deployed, ganun ang ginagawa namin.”
Lagi umano silang magkausap simula nang madestino ito sa Marawi, nakikwento din ng anak ang hirap na dinadanas sa battlefield.
Nang malaman ang masamang balita tungkol sa kanyang anak…
“At first there was a denial kasi hindi ko inaakala na uuwi ang anak ko na bangkay. Matalino siya, malakas siya, at ready siya, hindi ko inaakala na mangyayari sa kanya ito.
Later on, when the battalion confirmed to us about the incident, ayun… wala na kaming magawa kundi ang tanggapin ito.”
Noong una din ay naisip niyang tutulan ang kanyang anak sa pagiging sundalo ngunit dahil sa pursigido ito, sinuportahan nila ito sa ambisyon.
“Kasi kaming mga magulang, we support our children in their endeavour na gusto nila.
At first sabi ko sa kanya, ‘pag nag – sundalo ka anak, possible na mamatay ka agad, possible na mabaldado ka, okay ba sa’yo ‘yun? Are you aware with those things?
Sabi niya, ‘Oo Mama, gusto ko mag – serve, gusto ko mag – sundalo’
So, wala kaming magawa. We support our children kasi ayaw naming later on kami ang sisihin nila sa kung anuman ang hindi nila nagawa sa buhay nila.”
Dagdag pa ni Ginang Mercy…
“Kasi itong anak namin, masyadong patriotic. He loves the country so much.”
Nang mabalitaan ang paglaya ng Marawi laban sa mga terorista ay labis na katuwaan ang naramdaman ni Ginang Mercy …
“Okay lang… kasi ‘di ko akalain na magiging parte ‘yung anak ko, mayroon siyang contribution to save the country.
Pero siyempre masakit… dahil nawalan ako ng anak… nawalan ako ng anak dahil sa terorista…
Masakit… it’s so painful… to lose ‘A GOOD SON, A GOOD MAN, A PRINCIPLED MAN’
Hangad ng ina ni Lt. Savellano na maging silbing inspirasyon ito sa henerasyon ngayon at sa mga susunod pa.
“Sana itong millennials… ‘yung mga kabataan ng henerasyon na ‘to, magsilbing inspirasyon ‘yung anak namin. ‘Yung kanyang integridad na nai – share, ‘yung legacy na naiwan niya dito sa atin… sainyo… sa henerasyon na ito…”
Sa huli, hinangad din ni Ginang Mercy ang tuloy – tuoy na kapayapaan sa bansa, na s’yang pangarap din ng kanyang anak.
“Hindi lang ‘yung anak namin, sana lahat ng mga namatay doon… mabigyan ng halaga ‘yung kanilang naging pagkamatay. Sana ay magtuloy – tuloy na ang kapayapaan dito sa ating bansa.”
_____
Maraming buhay man ang nawala, marami man ang nawalan ng matitirhan, ari-arian at mahal sa buhay, mahirap man ang muling pagbangon ngunit nananatili pa rin ang pag-asa ng bawat isang Pilipino, ng buong bansa… na sa pagsikat ng panibagong araw ay may kaakibat itong bagong buhay—buhay na kayang ibangon anumang giyera ang dumating.
_____
Writer’s Note:
Lahat tayo ay mamamatay pero hindi lahat tayo ay handang mamatay.
Sa unang pagsabak pa lamang sa pagsasanay ng ating mga sundalo, isa na itong pahiwatig na ang isa nilang paa ay nasa hukay na.
Batid na sa unang destino pa lamang nila ay nakikipag – harap na sila kay kamatayan ngunit wala nang atrasan para sa kapayapaan.
Ipinabatid ko sa ina kong isang guro na nakapag – interview ako ng mga sundalong sumabak sa giyera sa Marawi at sinabi kong naramdaman ko ang hirap ng mga ito.
Isa sa mga tumatak sa isip ko ang sinabi ng nanay ko na, “Hindi nila priority ang suweldo dahil hangad nila ang kapayapaan, kaya saludo ako sakanila”.
Mga salitang galing sa isang bayani para sa isang bayani na nakaka – antig ng damdamin.
Ang mga kwento ng kabayanihan ng mga sundalo natin ang nagpapatunay na panahon na para buhayin ang pagka – Makabayan natin.
Ito ay hindi para labanan ang kapwa Pilipino, kundi para tapusin ang kasamaan.
Saludo po kami sainyo!
By Race Perez and Aiza Rendon / DWIZ Social Media Team
Edited By Jun del Rosario