Mismong ang medical workers na ang magpupunta at magbabakuna sa mga bedridden na residente ng Lungsod ng Maynila.
Nito nakalipas na weekend, mahigit 50 residenteng bedridden ng Maynila ang nabakunahan na sa pamamagitan ng home service vaccination ng Manila Health Department.
Kailangan lamang ng permiso ng pamilya o doktor lalo na sa mga mayroong sakit o preexisting condition na may edad 18 pataas para maserbisyuhan ng home service vaccination.
Sakaling may kapamilyang bedridden na nais magpabakuna sa Maynila, pinayuhan ng MHD ang mga ito na magpalista sa kanilang barangay para i-request ang home service vaccination para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kasabay nito, bumili muli ang Manila City local government unit ng mga gamot na Remdesivir at Tocilizumab na ginagamit sa severe at critical cases ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), batay na rin sa solidarity trials ng World Health Organization.