Isusulong sa Kongreso ng Philippine National Police-PNP Highway Patrol Group o PNP-HPG na isailalim sa mandatory training ang mga motorista bago pagbentahan ng motor.
Paliwanag ni HPG Director Chief Supt. Arnel Escobal, itoy para mabawasan ang bilang ng mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Sa datos ng HPG noong 2017, umabot sa 9,000 ang mga naitalang aksidente sa motor.
Ayon kay Escobal, human error ang sanhi ng mga aksidenteng ito.
Kulang kasi aniya sa kaalaman ang karamihan sa mga motorcycle rider.
Madali rin aniyang makabili ng motor ngayon kahit walang lisensya.
Kaya mungkahi ng HPG, libreng training sa mga bibili ng motorsiklo.
Ito rin ang alok nila sa mga fast food restaurants na may delivery service na gamit ang motor.
—-