Nabunyag na ginagamit ng Maute Group ang mga bihag nilang sibilyan sa pagtatanim ng bomba sa ilang bahagi ng Marawi City.
Ayon kay Brig. Gen. Ramiro Manuel Rey, pinuno ng Armed Forces of the Philippines o AFP Task Force Ranao, mismong mga bihag na sibilyan ang nagpupuwesto ng mga tanke ng LPG na may nakataling gasolina sa mga dadaanan ng mga sundalo, batay na rin sa utos ng mga bandido.
Dinede-detonate anya ito ng mga terorista oras na dumating na ang mga sumasalakay na militar.
Dahil dito, nagiging pahirapan anya ang pag-abante ng mga sundalo ngunit nako-korner na raw nila ang mga bandido sa isang bahagi ng lungsod.
100 terorista na lang ang nasa Marawi
Tinatayang nasa isang daang (100) terorista na lamang ang nananatili sa loob ng Marawi City, isang buwan mula nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute Group.
Ito’y ayon kay Joint Task Force Marawi City Spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, batay na rin sa mga impormasyon mula sa mga sundalong humaharap sa mga kalaban
Sa tala ng militar, nasa dalawang daan at pitumput anim (276) nang terorista ang kanilang napapatay.
Habang umabot na sa animnaput pito (67) ang bilang ng nalagas sa panig ng pamahalaan at nanatiling dalawamput anim (26) ang mga nadamat at namatay na sibilyan.
By Len Aguirre / Krista De Dios | With Report from Jonathan Andal