NAGHATID ng tulong ang tanggapan ni Sen. Christopher “Bong” Go, sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority (NHA), sa mga indibidwal na naapektuhan ng iba’t ibang sakuna sa Cagwait, Surigao del Sur.
Nabatid na namahagi ang staff ni Go ng meals at masks sa 183 na benepisyaryo na binubuo ng mga biktima ng bagyo at sunog sa Barangay Aras-Asan Gymnasium, maliban sa financial assistance, mga bisikleta at computer tablets sa ilang piling residente.
Kasabay nito, nagbigay din ang NHA ng kinakailangang ayuda sa pamamagitan ng kanilang Emergency Housing Assistance Program upang matulungan ang mga biktima na maitayong muli ang kanilang bahay.
“Ako ay nagpapasalamat sa ating mahal na President Rodrigo Roa Duterte, kay Senator Bong Go at sa NHA sa kanilang mga tulong pinansyal. Salamat po talaga. Blessed po ako ngayon at God bless to you po, Sen. Go. Maraming salamat po,” wika ni Marites Vasquez, 52, at isa sa mga benepisyaryo.
Sa isang video message, hinimok naman ng senador ang publiko, lalo na ang mga kabilang sa priority groups na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ipinaalala ni Go na libre naman ang bakuna at patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang matiyak na maaabot ang population protection at herd immunity.
Pinayuhan din ni Go, chair ng Senate Committee on Health and Demography, ang mga residente na nangangailangan ng atensyong medikal na magtungo sa Malasakit Centers sa Lianga District Hospital sa Lianga at sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan may mga kinatawan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na umaasikaso sa mga humihingi ng tulong.
Bilang bahagi ng kanyang commitment na tiyakin na ang maagap na pagtugon ng pamahalaan sa anumang disaster-related incidents, binigyan diin ni Go na kailangan ng departamentong tututok sa malawak na disaster preparation and response, kasabay ng panawagan nang agarang pagpasa sa Senate Bill No. 205 na layong lumikha ng Department of Disaster Resilience.
Maliban dito, pinasalamatan din ng senador ang mga lokal na opisyal, kabilang sina Mayor Lillian Yu-Lozada at Vice Mayor Melchie Tuscano, para sa kanilang serbisyo at suporta sa kanyang adbokasiya.
Bilang vice chair naman ng Senate Committee on Finance, nangako rin si Go ng suporta sa pagkukumpuni ng mga kalsada sa munisipalidad upang mapabuti ang public service delivery.