Pinangunahan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP sa General Santos City ang pag-aalay ng dasal para sa mga biktima ng malagim na Ampatuan Massacre sa Maguindanao.
Nagsagawa muna ng isang misa at nag-tirik ng kandila ang mga nagsidalo sa Forest Lake Cemetery sa General Santos City, kung saan nakalibing ang ilan sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen.
Kasunod nito, muling nanawagan ang mga kaanak at pamilya ng ilang mga biktima ng katarungan na naging mailap sa kanila, halos walong taon na ang nakalilipas.
Magugunitang nasa limapu’t walo (58) ang walang awang pinaslang sa Sitio Masalay, Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 kung saan, tatlumpu’t dalawang (32) mamamahayag ang nadamay.