Marami pa ring mga residente ng Siargao Island ang naghihintay na maabutan ng tulong tulad ng pagkain at tubig, mahigit isang linggo matapos ang pananalasa ng bagyong Odette.
Naantala kasi ang pagdating ng mga tulong sa isla matapos sumadsad ang barge na may lulan ng mga trak ng relief goods.
Sa ngayon ay wala na ring mapagkunan ng kabuhayan ang mga residente ngunit ayon kay Surigao del Norte Governor Francisco Matugas Jr., may cash for work program na maibibigay na alternatibong hanapbuhay sa mga residente na mula sa National Government.
Nangako aniya ang gobyerno na magkakaloob ito ng P35M para sa mga apektadong pamilya ngunit hindi nito batid kung paano ito pagkakasyahin at sino lamang ang mga bibigyan gayong 40K pamilya ang naapektuhan ng nagdaang bagyo. —sa panulat ni Hya Ludivico