Hindi kumain ng isang beses ang mahigit isanlibong (1,000) bilanggo ng Cotabato District Jail upang makalikom ng pondo para sa mga evacuee na apektado ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay Jail Warden Superintendent Simeon Dolojo, wala namang pera ang mga bilanggo kaya’t nagpasya ang mga ito na i-donate na lamang ang kanilang beinte pesos (P20.00) na meal allowance bilang donasyon sa mga evacuee.
Sinabi ni Dolojo na ang nalikom nilang tatlumpung libong piso (P30,000.00) ay ipambibili nila ng bigas, noodles at mga de lata na ipapamahagi sa evacuees.
Trak ng DSWD na bitbit ng halos 9,000 food packs tumulak na ng Iligan City
Tumulak na papuntang Iligan City ang mga trak bitbit ang halos siyam na libong (9,000) food packs.
Ang mga naturang food packs ay inihanda ng DSWD o Department of Social Welfare and Development Center sa Cebu.
Tuloy-tuloy din ang pag-aayos ng food packs ng DSWD Region 7 para mga residenteng nasa evacuation centers matapos maapektuhan ng bakbakan.
Ayon sa DSWD, halos pitumpung libong (70,000) pamilya o mahigit tatlong daang libo (300,000) katao na ang na displaced dahil sa sagupaan sa Marawi City.
Mahigit labing pitong libo (17,000) katao mula sa nasabing bilang ay nasa evacuation centers habang halos tatlong daang libo (300,000) naman ang nakikitira sa kanilang kaanak o kaibigan.
By Judith Estrada – Larino