Ipinabubusisi ng House Committee on Justice ang mga binayarang buwis ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa pagpapatuloy ng impeachment hearing laban kay Sereno, inatasan ni Commitee Chairman Rey Umali ang Bureau of Internal Revenue o BIR na suriin ang mga kinita ni Sereno at kung magkano ang binayaran nitong buwis.
Binigyan ni Umali ng hanggang Pebrero 19 ang BIR para tapusin ang pagsusuri sa tax payments ni Sereno dahil kailangan nang tapusin ang pagdinig ng komite sa katapusan ng buwang ito.
Tiniyak naman ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na siyang dumalo sa pagdinig na gagawin nila ang lahat upang makaabot sa deadline.
Matatandaan na sa impeachment complaint ni Atty. Larry Gadon laban kay Sereno, ibinunyag nito na hindi iniulat sa BIR at wala rin sa Statement of Assets Liabilities and Networth o SALN ni Sereno ang tatlumpung (30) milyong pisong kinita nito bilang abogado ng pamahalaan laban sa Philippine International Air Terminals Company (PIATCO) Incorporated.
—-