Napasakamay na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ikalawang bulto ng mga biniling body camera ng Philippine National Police (PNP).
Sa isinagawang pagsasanay sa mga pulis sa paggamit ng mga body camera sa camp bagong diwa sa Taguig City, sinabi ni PNP director for Logistics P/Mgen.Angelito Casimiro na target nilang gamitin ang mga bagong kagamitan sa buwan ng Marso.
Inihayag din ni Casimiro na isinasapinal na rin nila ang mga kinakailangang protocols sa paggamit ng body camera ng mga pulis.
Aabot sa 2,600 mga body cameras ang binili ng pnp mula pa sa panunungkulan ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald Bato Dela Rosa upang mabura ang agam-agam ng publiko hinggil sa umano’y pang-aabuso ng mga pulis sa anti-drug operations nito.
Bawat himpilan ng pulisya sa buong bansa ay tatanggap ng tig-16 na body camera kung saan, 8 sa mga ito ang siyang gagamitin ng mga operating team. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)