Nakatakdang ilunsad ngayong araw ng Philippine National Police o PNP ang paggamit sa may 3,000 body cameras na kanilang binili.
Ito’y para mapawi na ang pangamba ng Publiko hinggil sa mga ginagawang paglabag ng mga Pulis sa tuwing magkakasa sila ng operasyon partikular na sa iligal na droga.
Una nang sinabi ni PNP Chief P/Gen Guillermo Eleazar, nasa 2,696 na mga biniling body cameras na kanilang hawak ang kasalukuyang nasa kostudiya na ng may 171 City Police Stations sa buong bansa.
Bawat isang istasyon ay binigyan ng 16 units ng mga body cameras kung saan, 8 rito ang gagamitin sa mga operasyon habang ang nalalabi ay gagamitin para sa iba pang operasyon.
Una pa rito, nakatapos sa pagsasanay para gamitin ang mga biniling body cameras ang mga Pulis mula sa National Capital Region Police Office o NCRPO.
Gayunman, target ng PNP na bumili ng karagdagang 32,136 na mga body cameras upang mabigyan na rin ang mga nasa Municipal Police Stations at para makumpleto na ang requirement na ang kabuuang 34,832 na mga body cameras.