Pinamamadali na ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP ang pagsasanay sa kanilang mga tauhan para gumamit ng mga body camera sa kanilang operasyon kontra iligal na droga at krimen.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na maaari na nilang simulang gamitin ang mga binili nilang body cameras nang hindi lalagpas ng buwan ng Hunyo.
Ayon sa PNP Chief, nakakalat na ang may 3,000 biniling body cameras sa may 171 City Police Stations sa buong bansa habang kasalukuyang for delivery pa ang humigit kumulang 1,400 body cameras sa mga Municipal Police Stations.
Bagama’t naghihintay pa ang PNP ng ilalabas na protocols o guidelines mula sa Korte Suprema hinggil sa paggamit ng body cameras ng mga Pulis sa operasyon, sinabi ng PNP Chief na maaari naman silang magbalangkas ng sarili nilang guidelines na hindi makalalabag ng karapatan ng isang indibiduwal.
Magugunitang nabalam ang pagpapagamit sa body cameras ng mga Pulis dahil posibleng labagin umano nito ang human rights gayundin ang umiiral na RA 10173 o data privacy act of 2012.