Handa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas o Armed Forces of the Philippines na bombahin gamit ang mga biniling jet fighters ang mga miyembro ng NPA o New People’s Army.
Ito’y ayon kay Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP ay sa sandaling ipag-utos na ito ni Pangulong Duterte kasunod ng kaniyang naging pahayag noong Biyernes.
Pero pagtitiyak ni Arevalo, walang sibilyan ang madadamay sakaling isakatuparan na nila ang naturang hakbangin dahil mabusisi ang kanilang gagagamiting paraan dito.
Iginiit pa ni Arevalo na ang naging pahayag ng Pangulo ay isa lamang patunay na pursigido ang pamahalaan na tuldukan na ang karahasan na ginagawa ng mga rebelde.
Kasunod nito, sinabi ng opisyal na hindi sila magbibigay ng mga karagdagang komento hinggil sa mga pahayag ng Pangulo dahil may mga tagapagsalita ito para linawin ang kaniyang mga sinasabi.
Una nang nagbabala ang Pangulo sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan na nagbibigay ng suporta sa mga rebelde na tatanggalan ng kapangyarihan sa kanilang pulisya.
At bobombahin ang kuta ng mga rebelde na madalas napapaulat na umaatake sa mga kampo militar.
—-