Hindi dapat seryosohin ang mga jokes ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Binigyang diin nito ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol, isa sa mga supporters ni Duterte makaraang umani ng iba’t ibang reaksyon ang pahayag ni Duterte na may koneksyon siya sa Davao Death Squad, isang grupo sa Davao na pinaniniwalang nasa likod ng salvaging sa lunsod.
Ayon kay Piñol, isang matalinong abogado at dating prosecutor si Duterte kaya’t hindi niya ibibitin ang kanyang sarili sa publiko.
“Kahapon sa Antique, naitanong kasi ng isang radio announcer about sa sinasabi niya na crime na na-commit niya killing 1,000 people, sabi niya Am I crazy? Do you think I’m stupid, I’m a lawyer, I’m a prosecutor, do you think I’m stupid to admit publicly that I killed 1,000 people? Hindi ba nila masakyan ang biro? sabi niya.” Pahayag ni Piñol
Kasabay nito ay pinayuhan ni Piñol si Justice Secretary Leila de Lima na huwag patulan ang mga biro ni Duterte.
Sinabi ni Piñol na magiging katawa-tawa lamang si de Lima kung itutuloy nito ang pagsasampa ng kaso laban kay Duterte nang nakabase lamang sa mga biro nito sa isang panayam.
Matatandaan na sinabi ni Duterte na may 1,000 na ang kanyang napatay at kung siya ang magiging Presidente, patatabain niya ang mga isda sa Manila Bay dahil gagawin nya itong tapunan ng mga patay.
By Len Aguirre | Ratsada Balita