Inaasahang darami pa ang mga pasaherong mag-uuwian ng Metro Manila pagkatapos ng pagdiriwang ng bagong taon sa Enero.
Ito ang inihayag ni Ramon Legazpi, Manager ng araneta Center Bus Port sa Cubao, Quezon City matapos ang pagdagsa ng mga pasaherong nagbalik-Metro Manila matapos magpasko sa mga probinsya.
Ayon kay Legazpi, sa ngayon ay umaabot na sa 2,000 hanggang 3,000 ang average daily passenger volume sa nasabing terminal.
Gayunman, inaasahang madaragdagan pa ito dahil tiyak na sasagarin ng ilang biyahero ang kanilang bakasyon hanggang bagong taon.
Sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) naman, pumalo na sa mahigit 190,000 ang mga pasaherong bumiyahe nitong Lunes, Disyembre 26.
Ito na sa ngayon ang pinakamataas na bilang ng mga pasahero sa PITX simula nang magbukas ang naturang terminal.
Aminado si PITX Spokesman Jason Salvador na ikinabigla nila ang bulto ng mga pasahero noong Lunes bagaman hanggang 200,000 pasahero ang kayang i-accommodate ng terminal kada araw.
Tiniyak naman ni Salvador na lagi silang nakahanda sa pagbuhos ng mga biyahero, lalo pagtapos ng bagong taon.