Lalong naging interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng tugon ang maraming tanong hinggil sa Mamasapano Incident na nagresulta sa pagkasawi ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force, ilang araw bago ang ikalawang anibersaryo ng engkwentro.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya nais buhayin ang issue sa SAF 44 pero maraming naka-babahalang issue na nakapaloob sa madugong insidente.
Anya, hindi niya lubos-maisip kung bakit maghapon ang bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao nang hindi humingi ng tulong tulad ng air assets sa mga kampong malapit ng Awang, Davao at General Santos City.
Sinabi ng Pangulo na kakausapin niya ang mga biyuda ng SAF 44 maging ang mga opisyal bago ang ikalawang taon ng malagim na engkwentro sa Enero 25.
Naniniwala ang Pangulo na matalino ang nagplano sa Oplan Exodus subalit nagtataka siya kung bakit nauwi sa kamatayan ang misyon ng SAF troopers.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping