Ide-deactivate na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga botante na bigong makilahok sa dalawang magkasunod na halalan.
Ayon kay Atty. Dindo Maglasang ng COMELEC Election and Barangay Affairs Department, bahagi ito ng proseso ng paglilinis ng datos ng ahensiya alinsunod sa isinasaad ng Republic Act 8189 o Voters Registration Act of 1996.
Batay sa Section 27 ng RA 8189, maaring ide-deactivate o tanggalin sa record ng election registration board ang mga botanteng hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Binigyang diin ni Maglasang, hindi buburahin sa data base ng COMELEC ang mga deactivated voters bagkus ay ilalagay lamang sa inactive status.
Dahil dito, maaaring mag-apply muli ng reactivation ang mga na-deactivate na botante hanggang Setyembre 30 ng kasalukuyang taon para makaboto sa susunod na halalan.