Ano nga ba talaga ang purpose ng pagha-hiking? Para makapag-exercise? Para magtanggal ng stress? O para ma-enjoy lang ang magandang view sa tuktok nito? Ang isang bundok kasi sa China, nilagyan ng escalator para raw madaling akyatin?
Kung saan ito matatagpuan, eto.
Sa Jianxi province sa China, matatagpuan ang isang bundok sa Lingshan Scenic Area na mayroong taas na 1,500 meters at inaabot ng dalawang oras bago marating ang tuktok.
Pero kung balak mong mag-hiking sa bundok na ito, hindi mo na kakailanganin pang magpagod at asahan mo nang hindi nito pasasakitin ang mga hita at mga binti mo dahil nilagyan na ito ng escalator.
Sinimulan ang project na ito noong 2022 at inaasahang magiging bukas sa publiko sa susunod na buwan.
Iba’t iba naman ang naging komento ng mga netizen online. Para sa iba ay magandang ideya ang paglalagay ng escalator sa bundok para sa convenience ng mga matatada at sa mga tinatamad na mag-effort sa pag-akyat ng bundok. Ngunit mayroon ding mga tumutol dahil mawawala raw ang tunay na purpose ng pagha-hiking at nasira raw ang kagandahan ng lugar dahil sa escalator.
Samantala, hindi naman ito ang unang bundok sa China na napabalitang nilagyan ng escalator dahil nauna na noong 2023 ang Tanyu mountain sa Zhejiang China na mayroong taas na 350 meters.
Para sa mga mahilig mag-hiking diyan, ano ang masasabi niyo sa mga ganitong klase ng projects?