Bibigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng special permit ang mga bus na papayagang mamasada sa mga rutang lubhang apektado ng “Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok” ng Inter-Agency Council for Traffic.
Ayon kay L.T.F.R.B. Spokesperson, Atty. Aileen Lizada, maraming pasahero ang nai-i-stranded sa mga ruta kung saan maraming nahuhuling jeep.
Kabilang sa mga rutang ito ang Commonwealth-Trinoma, Commonwealth-Cubao, SM Masinag-Cubao via Marcos Highway at EDSA Shaw-Stop and Shop.
Dalawampu’t limang kumpanya ng bus na ang nakipagpulong sa kanila at maaaring payagang mamasada sa mga rutang ito simula sa susunod sa linggo.
Samantala, nananatili ang pasahe sa bus sa minimum na 10 pesos sa ordinary at 12 Pesos sa air-conditioned.
Enero a-diyes nang simulang hulihin ng I-ACT ang mga tsuper at operator ng halos gutay-gutay at kakarag-karag na mga sasakyang pumapasada pa rin.