Dismayado na ang mga pasahero sa alanganing biyahe ng mga bus sa mga Integrated Terminal Exchange (ITX) sa gitna ng kalituhan at mahabang pila bunsod ng Window Hours Scheme para sa mga provincial bus sa Metro Manila.
Ito’y dahil limitado pa rin ang mga bus na bumibyahe sa North Luzon Express Terminal (NLET) sa Bocaue, Bulacan.
Umaasa ang mga pasahero na magkakaroon ng malinaw na mga schedule ng bus trip mula NLET patungong Northern Luzon.
Sa ilalim ng Window Hours Scheme, na napagkasunduan ng MMDA at mga bus company, maaari lamang gamitin ang mga provincial bus ang kanilang mga terminal sa Metro Manila simula alas-10 ng gabi hanggang ala-5 kina-umagahan.
Dahil dito, libu-libong pasahero ang inabot ng dose oras sa pagpila sa mga bus terminal para lang makasakay.
Gayunman, nilinaw ng LTFRB na maaari namang sumakay ng mga bus ang mga pasahero sa ITX, tulad ng NLET at hindi rin nangangahulugan na bawal bumiyahe ang mga provincial bus kahit may window hours.