Mahigpit na tututukan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang sitwasyon sa mga bus terminal sa EDSA sa gitna na rin nang pagdagsa ng mga pasahero patungong lalawigan kaugnay sa Semana Santa.
Ayon kay Coronel Bong Nebrija, commander ng MMDA Command Center, ipaprioritize nila ang traffic management sa EDSA kung saan naruon ang apat naput anim na bus terminals.
Sinabi ni Nebrija na nakikiusap sila sa mga motorista, taxi at iba pang public utility vehicles (PUVs) na magbaba at magsakay sa likod ng mga bus terminal.
Target ng MMDA na maipasara ang lahat ng provincial bus terminals sa EDSA sa buwan ng Hunyo para mapaluwag ang trapiko sa EDSA at magbukas ng integrated bus terminals sa Valenzuela at Sta. Rosa, laguna.
Gayunman inihayag ni Nebrija na magsasagawa muna sila ng dry run pagkatapos ng Holy Week para tukuyin at solusyunan ang mga posibleng butas ng scheme bago ito aktuwal na ipatupad.
Samantala, ipinauubaya na ng Palasyo sa MMDA ang pagdedesisyon sa pagsasara ng siyamnapung (90) bus terminals sa Metro Manila sa Hunyo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, higit na nakakaalam ang MMDA kung ano ang mas makakabuti sa sitwasyon sa trapiko sa kalakhang Maynila.
Hindi aniya nila gawain na pang himasukan pa ang trabaho na kaya namang gampanan ng ibang tanggapan.
Tiwala rin si Panelo na may ginawang pag-aaral ang MMDA kaugnay sa nasabing hakbang nito.
Una rito, sinabi ng MMDA na ililipat sa Valenzuela at Sta. Rosa, Laguna ang biyahe ng mga bus mula sa iba’t ibang probinsya.
Holy Week
Nagsimula nang mag-inspeksyon ang Land Transportation Office o LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga bus na bibiyahe sa mga probinsya.
Ito’y bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahan pang pagdagsa ng mga biyahero ilang araw bago ang Semana Santa.
Dahil sa nasabing inspeksyon, ilang bus ang naantala ang biyahe gaya ng isang bus sa Araneta bus station na biyaheng Tabaco Albay kung saan pinapalitan ng LTFRB at LTO ang gulong nito matapos mapansing manipis na ito.
Hindi rin nakaalis ang isang unit ng RMB bus matapos makita ng LTO na iba ang chasis number na nakalagay sa body markings sa mismong chasis number ng bus.
Ngunit dahil kumpleto at tama naman umano ang nakalagay sa prangkisa nito ay pinayagan munang makabiyahe ang naturang bus.
Dinidikitan naman ng sticker ng LTO-NCR ang mga bus na natapos nang inspeksyunin.
—-