Hinikayat ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mga kumandidato noong barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections na linisin at baklasin ang mga ginamit nilang campaign material bago matapos ang linggong ito.
Ito’y makaraang umabot sa tatlong truck ng basura na puno ng mga polyetos, tarpaulin at poster ng mga kandidato ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA pagkatapos ng eleksyon.
Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, nanalo man o natalo ang kandidato, obligasyon nito na ibalik ang kaayusan at kalinisan ng kanilang lugar at ipakita na sinsero sila sa pagiging leader ng kanilang komunidad.
Partikular na pinalilinis ni Año ang mga eskuwelahan na nagsilbing polling precinct bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 4.
—-