Dismayado ang mga naging bisita ng isang zoo sa Jiangsu, China.
Sa halip kasi makakita ng panda katulad ng ipinangako nila sa kanilang advertisement, mga asong kinulayan ng itim at puti ang nadatnan nila!
Unang ipinakita ng Taizhou Zoo ang mga “panda” sa publiko noong May 1. Mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., dinadagsa ng mga turista ang mga panda.
Ngunit napansin ng ilang zoogoers na masyadong mabilis kumilos ang mga hayop para maging panda.
Dito na nabunyag na mga Chow Chow pala ang nasa exhibit!
Napag-alamang ginupitan ng zoo officials ng balahibo ang mga aso at pinintahan ng black and white dye upang magmukhang panda. Tiniyak naman nilang hindi ito delikado.
Nang tanungin kung bakit gumamit sila ng Chow Chow upang magpanggap, sinabi ng zoo officials na wala silang panda at ito lamang ang naisip nilang paraan.
Marami man ang gustong makakita ng tunay na panda, mailap at mahirap itong mahanap, lalo na’t nanganganib itong ma-extinct.
Bagama’t nag-improve ang conservation status nito sa “vulnerable” mula sa noo’y “endangered”, kailangan pa rin nating protektahan ang mga panda at ang kanilang mga tirahan upang mapanatili ang balanse sa ating kalikasan.