Humihirit na rin ng dagdag-pasahe ang mga operator ng Provincial at City Bus sa Metro Manila bunsod ng walang prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Provincial Buses Association of the Philippines (PBOAP) Executive Director Alex Yague, maghahain sila ng petisyon sa LTFRB para sa minimum fare increase.
Hihilingin anya nila ngayong linggo ang additional P50 sa kada 100 kilometers o katumbas ng 50 centavos sa kada litro ng diesel.
Inihayag naman ng Pasang Masda na bukod sa pisong provisional increase, hihirit din sila ng piso hanggang dalawang piso pang dagdag sa minimum fare sa jeep.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, malaking tulong para sa kanila sakaling aprubahan ang kanilang hiling at sakali namang bumalik sa normal o bumaba muli ang presyo ng krudo ay kanilang ibabalik sa P9 ang pasahe.
Gayunman, hindi na anya magiging sapat ang kanilang kinikita kung magpapatuloy ang oil price hike.
Magugunitang inaprubahan ng LTFRB ang pisong provisional increase sa minimum fare sa jeep na bumibyahe sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.