Napilitan nang sumakay sa mga colorum na van at taxi ang ilan sa mga pasaherong pumila sa mga bus terminal sa Metro Manila matapos mabalam ang kanilang biyahe dahil sa window hours para sa mga provincial bus.
Ilan sa mga biyahero ay pumayag na sa singil na 600 pesos per head ng mga colorum van makauwi lamang sa probinsya tulad sa Pangasinan, kumpara sa 427 pesos na regular na pasahe sa bus.
Gayunman, mayroon ding mga tumanggi sa sobrang mahal na pasaheng alok naman ng mga taxi na aabot sa 1,500 hanggang 3,500 pesos depende sa layo.
Sa pag-iikot ng DWIZ kahapon sa Cubao, Quezon City, karamihan sa pumila sa mga terminal ng Victory Liner, Baliwag Transit at Fivestar Bus Lines ay naghintay ng 8 hanggang 12 oras.
Pawang biyaheng Norte, tulad sa Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Pangasinan, La Union at Bataan ang mga pasaherong naabala sa kalituhang idinulot ng polisiya ng LTFRB at MMDA.
Umapela naman ang mga mananakay kay Pangulong Rodrigo Duterte na umaksyon na sa kanilang problema at huwag na silang pahirapan ng gobyerno.
Magugunitang nagturuan ang LTFRB at MMDA sa umano’y kasunduan hinggil sa implementasyon ng window hours para sa mga provincial bus na mula alas-10 ng gabi hanggang ala-5 ng madaling araw.