Mananatiling sarado ang mga commercial establishments na pasok sa 14 kilometer radius danger zone ng Bulkang Taal.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing, matapos magbalik operasyon na ang ilang mga negosyo sa Tagaytay City.
Ayon kay Densing, nagpalabas ng memorandum ang DILG kay Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino para ipatupad ang atas na pansamantalang itigil ang operasyon ng mga establisyemento sa lungsod sa gitna na rin ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Nakasaad aniya rito na hindi maaaring magbalik operasyon ang mga commercial establishements sa Tagaytay City hangga’t hindi pa naibababa ang alert level 4.
Dagdag ni Densing, kanila ring sisiyasatin ang ulat na muling nagbukas ang amusement park na Sky Ranch at iba pang negosyo sa Tagaytay City.