Suporta, hindi suspetsa.
Ito’y ayon kay Senador Joel Villanueva na dapat gawing nating tugon sa mga community pantries na walang ibang layunin kundi ang tumulong sa kapwa.
Giit ni Villanueva , sa halip na paghinalaan, dapat ay ibayong suporta ang ibigay sa mga “bayanihan projects” dahil ito ay tumutugon sa layunin ng pamahalaan na matulungan ang publiko sa paglaban kontra COVID-19.
Nananawagan si Villanueva sa mga kasamahan at katrabaho sa pamahalaan na tulungan at palakasin pa ang mga community pantries, sa halip na ilayo ang mga tao sa tunay na diwa ng pakikipagkapwa at pagmamalasakit.
Sa huli, paalala ni Villanueva na sa panahon na ang mga mamamayan ay salat sa pagkain at hindi sapat ang tulong na dumadating, hindi magandang payo ang lumayo sa mga taong ang nais lamang ay tumulong.