Kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte at pag-alis ng libreng sakay program ng pamahalaan sa Hunyo A-30, maraming mananakay ang humihiling na palawigin ang “libreng sakay” partikular na sa MRT-3.
Sa panayam ng DWIZ, inihayag ni MRT-3 General Manager Mike Capati na mayroong commuters ang humihiling na palawigin pa ang “libreng sakay” dahil malaki ang naitutulong nito bunsod ng walang puknat na pagsirit sa presyo ng langis at mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Capati, naging maganda din ang interval sa pagitan ng mga tren kung saan, mula sa dating 9 hanggang 10 minutong paghihintay ng mga pasahero ay bumilis pa ito sa 4 hanggang 5 minuto.
Nabatid na kaya umanong magsakay ng halos isang libo at anim naraang pasahero ang kada isang tren sa MRT-3, kaya’t nanawagan si Capati na patuloy na sumunod sa health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Sa kabila ng libreng sakay, inamin ni Capati na nakakatanggap parin sila ng mga reklamo mula sa mga mananakay.