Ligtas na natakasan ng mga crew ng isang barko ang pag-atake ng mga armadong pirata sa Basilan.
Naglalayag sa bahagi ng Coco at Sibago Islands ang dalawampu’t pitong (27) crew ng MV Kudos 1 nang harangin ng mga armadong lalaking lulan ng tatlong motorboat na nagtangkang mang-hijack sa vessel.
Ayon kay Capt. Joe Orbe, commander ng Joint Task Force 61 ng naval forces in Western Mindanao, sinubukan pang akyatin ng mga pirata ang barko at dukutin ang mga crew pero nabigo.
Ito’y makaraang buhusan ng mga crew ng kumukulong langis at tubig ang mga armadong lalaki at nakapag-padala ng distress call sa mga otoridad ang kapitan ng barko na si Chris Paul Maglimat.
Dahil dito, namaril ang mga pirata dahilan upang tamaan ang ilang crew maging ang vessel.
Agad namang tumakas ang mga armadong lalaki makaraang marinig ang paparating na mga helicopter at motorboat ng militar.