Timbog ang mahigit 100 katao sa Sta. Cruz, Maynila matapos lumabag sa unang araw nang ikinakasang uniformed curfew hours sa Metro Manila.
Ayon sa mga otoridad, kabilang sa mga inaresto ang 68 menor-de-edad na inabutang naglalaro ng mobile games sa kalsada o natutulog sa labas ng kanilang bahay.
Sinabi ni Lindsay Javier, officer-in-charge ng reception and action center ng Manila Department of Social Welfare and Development, na karamihan sa mga dinampot na menor-de-edad ay walang proteksyon kaya’t binigyan ng face mask at face shield ang mga ito nang dalhin sa covered court ng Barangay 351.
Samantala, 150 katao naman ang nahuli sa Makati City sa unang gabi ng curfew.
Bukod din sa mga menor-de-edad, kabilang sa mga curfew violator ay informal workers na dumipensang nagtrabaho sila kahit alam nilang mas maaga na ang curfew tulad ng 18-anyos na si Menardo na nahuling namamasada ng tricycle sa Barangay Tejeros kasama ng backrider.
Nahuli rin ang isang babaeng masahista na walang maipakitang I.D. na patunay na nagtatrabaho siya habang mayroon ding ilan na naabutang bumibili ng pagkain sa tapat ng bahay.
Nananatili naman sa presinto ang mga inaresto at pinauwi matapos ang curfew ng alas-5 ng madaling araw.
Ipinabatid ni Makati City Police Chief Colonel Harold Depositar na walang establishment tulad ng mga bar na lumabag sa curfew bagamat marami rin ang nag relax at nasa kalsada pa kahit alam nilang may curfew.
Sa Quezon City, 60 katao ang hinuli matapos lumabag sa 23 checkpoints ng QC Police Department at kabilang dito ang isang call center na papasok sa trabaho, isang motorcycle rider na bibili ng pagkain at isang lalaki na bibili ng suka para sa niluluto niyang pagkain gayundin ang isang lalaking kakagaling lamang sa bahay ng kaniyang girlfriend.
Sa CAMANAVA area naman, 83 ang dinampot sa Caloocan City at dinala kaagad sa Caloocan Police Custodial Facility Extension.
Iilang menor-de-edad din ang inaresto sa Malabon, samantalang ang mga curfew violators sa Navotas ay pinasasalang sa RT-PCR testing sa loob ng isang linggo.