Nagulat at nadismaya ang ilang residente ng mga lungsod ng Maynila, Caloocan at Quezon matapos mawalan sila ng tubig dahil sa pagpapatupad ng Maynilad ng labingwalong oras na emergency water interruption.
Sapul sa biglaang water interruption ang Tundo, Maynila at ilang bahagi ng Quezon City habang nito namang Martes ng gabi nawalan ng tubig sa ilang bahagi ng Caloocan.
Ayon kay Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo, kinulang ang suplay ng tubig na pumasok sa La Mesa Treatment Plant at sinabayan pa ito ng mataas na demand dahil sa init ng panahon.
Bumababa rin anya ang antas ng tubig sa Ipo Dam, Bulacan bunsod ng kakulangan ng ulan sa naturang lugar.
Ipinaliwanag ni Rufo na kinailangang agad putulin ang supply ng tubig dahil mas malaking problema kung masasaid ang imbak kaya’t hindi na nila nagawang makapagpalabas agad ng abiso.
Iginiit naman ni Rufo na nakapagpadala sila ng mensahe pero marahil sa text traffic ay hindi umano ito natanggap agad.