Magpapatupad ng hybrid o pinagsamang pisikal at virtual ang isasagawang General Assembly at Alumni Homecoming ng Philippine Military (PMA) para sa taong ito.
Ayon kay PMA Public Affairs Office Chief, 1st Lt. Christine May Calima, ito’y bilang pagsunod sa mga panuntunan ng Pamahalaan partikular na ng Baguio City upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Dahil dito, limitado lamang ang maaaring dumalo pisikal sa Fort Gregorio del Pilar sa Baguio City lalo’t nananatiling mahigpit ang Pamahalaang Panglungsod sa pagpapapasok ng mga lokal na turista.
Kailangang bakunado na kontra COVID-19 ang sinumang alumni na dadalo at kailangang kumuha ng S-Pass na siyang ipakikita pagdaan sa checkpoint.
Dapat ding magpakita ng negative RT-PCR o Antigen Test results ng hindi lalagpas sa 24 oras bago papasukin sa PMA grounds.
Ang tema para sa PMA Alumni Homecoming ngayong taon ay “PMA Cavaliers: Tunay na kaagapay ng Sambayanang Pilipino sa Panahon ng Pandemya o Kalamidad”.