Walang napinsalang mga dam sa paghagupit ng bagyong Karding sa Luzon.
Ito ang tiniyak ni National Irrigation Administration (NIA) administrator Benny Antiporda, batay sa kanilang monitoring.
Gayunman, mahigpit anyang binabantayan ang Pantabangan at Magat Dams sa posibleng pag-apaw.
Ayon kay Antiporda, tanging ang Bulo Dam sa San Miguel, Bulacan ang nagkaroon ng pag-apaw subalit hindi naman ito nagdulot ng matinding pagbaha.
Ang nasabing water reservoir ay isang open dam na tuluy-tuloy ang agos ng tubig mula sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Samantala, siniguro rin ni Antiporda na patuloy ang pakikipagtulungan ng NIA sa mga Local Government Unit, lalo sa Luzon upang mahigpit na i-monitor ang kaayusan ng mga dam sa bansa.