Mga dating problema na ang inaasahang sasalubong sa pagbubukas ng klase ngayong araw na ito.
Ayon sa ACT o Alliance of Concerned Teachers, na monitor nila ang mga siksikan at kulang na mga pasilidad sa mga paaralan sa buong bansa.
Tinukoy ni ACT Secretary General Raymond Basilio ang mga report tulad sa Regions 1 at 6 kung saan siksikan na ang mga estudyante at guro sa mga silid na gawa sa plantsang yero habang sa mga kubo naman isinagawa ang mga klase sa Region 5.
Magka halong init at ulan din naman aniya ang naranasan ng maraming estudyante sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda sa Region 8 dahil gawa lamang sa plywood ang ilang silid aralan nila.
Ipinabatid ng ACT na sa Metro Manila, marami pa ring report na mala sardinas na sitwasyon sa mga silid aralan kung saan hinati na ang ilan sa mga ito para ma accommodate ang mga estudyante habang ang ibang paaralan ay nagpapatupad ng shifting sa klase.