Inabsuwelto ng Office of the President (OP) ang kaso ng mga dating opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na sangkot umano sa nabulilyasong importasyon ng 300,000 metric tons ng refined sugar noong Agosto.
Kabilang sa mga inabsuwelto sina dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica ng SRA board at board members Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr.
Naharap sa mga kasong grave misconduct, grave dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service ang mga respondent na nagbitiw sa kani-kanilang pwesto matapos sumingaw ang issue.
Sa sampung pahinang desisyong pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, pinagsabihan lamang ng OP ang mga respondent na mas maging maingat sa paggampan sa kanilang mga tungkulin.
Ipinunto rin ng OP na ang issuance ng Sugar Order 4 ay ginawa “in good faith” o walang masamang intensyon at nagkaroon lamang ng miscommunication sa pag-aakalang ng mga respondent na otorisado silang pumirma.