Tiniyak ng Department of Justice o DOJ na maibibigay nila ang komprehensibong datos hinggil sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng pamahalaan bago ang susunod na pagdinig ng Senado sa Agosto 31.
Ito’y ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraang ipagpaliban ng Senate Finance Committee ang pagdinig nito para sa panukalang 17.3 bilyong pisong pondo para sa DOJ.
Sa panayam ng programang Karambola kay Aguirre, sinabi nito na kinukumpleto na lamang nila ang mga datos at mangangailangan sila ng dagdag na panahon para rito.
“Even before August 31, the next hearing ay pinag-susubmit kami ng Senado, ngayon we need a little more time, kasi yung mga data na iko-collate namin will be coming from 240 offices, yan po ang inutos ko sa mga city and provincial prosecutors natin, regional prosecutors at sa office of the prosecutor general, hinihintay natin lahat yan para magkaroon tayo ng accurate data na isu-submit namin. “ Ani Aguirre
Batay sa inisyal na tala ng DOJ, may kinalaman sa mga lehitimong operasyon ng pulisya ang 3,050 mula sa kabuuang 4,000 kaso ng mga pagpatay habang patuloy pang iniimbestigahan ang iba pa.
Kasunod nito, idinepensa rin ni Aguirre ang pagpasok ng NBI sa mga imbestigasyon na may kinalaman sa droga sa bisa ng ipinalabas niyang department order.
“Even the under the new law, hindi empowered ang NBI to investigate drug killings kaya lang sila nakakapag-investigate kais may provision sa new law na in other crimes the Secretary of Justice will command them to investigate kaya ginawa lang yung DO to empower them to investigate drug killings nitong February 2017 lang po, sila pong pulis kung meron mang vigilante, iniinvestigate din po, pero largely mga pulis yan.” Pahayag ni Aguirre
By Jaymark Dagala | Karambola Interview