Nahaharap sa kaso sina Energy Secretary Alfonso Cusi, Davao-based Businessman Dennis Uy at mga opisyal ng Philippine National Oil Company – Exploration Corporation (PNO-EC) at Chevron Philippines.
Dahil ito sa maanomalya umanong pagbebenta ng share ng Malampaya gas-to-project sa Udenna Corporation ni Uy.
Inihain nina Balgamel De Belen Domingo, Rodel Rodis at Loida Nicolas Lewis ang 44 na pahinang reklamong paglabag sa Republic Act 3019 o ang anti-graft and corrupt practices act sa Office of the Ombudsman sa Iloilo City.
Ayon kay Atty. Rico Domingo, abogado ng mga complainant, nababahala ang kanyang mga kliyente na pawang private citizen lalo’t pangunahing energy source ng bansa ang malampaya gas project.
Nagdulot anya ng pinsala sa gobyerno ang sabwatan nina Cusi at Uy upang bigyan ng “unwarranted benefits at advantage” ang udenna sa pagbebenta ng bahagi ng Chevron at paglipat ng karapatan sa Malampaya project.
Bukod kay Cusi na Ex-Officio Chairman ng Board of Directors ng PNOC-EC at Uy, kinasuhan din sina PNOC-EC President at CEO, retired Gen. Rozzano Briguez; dating OIC at CEO Lourdes Gelacio at PNOC-EC Director Carlo Magno Aldevera.—sa panulat ni Drew Nacino