Hindi na sisingilin pa ng overstaying fees ng Bureau of Immigration ang mga dayuhang apektado ng mga kanseladong flight dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Ayon kay Immigration commissioner Jaime Morente, isang natural calamity aniya ang dahilan kung bakit maraming flight ang nakansela kung saan apektado ang maraming dayuhan na nasa bansa.
Ani Morente, hindi inaasahan ang mga ganitong pangyayari at wala rin naman umanong may gustong maranasan ito.
Kasabay nito nilinaw ni Port Operations Division chief Grifton Medina, na tanging ang mga pasaherong apektado ng kanselasyon ng flight dahil sa bulkang Taal ang exempted sa pagbabayad ng multa.
Mangyari lang aniyang iprisinta ang boarding pass, outbound ticket na may petsang January 12 o 13, at canceled immigration departure stamp na may kaparehas na nabanggit na petsa.