Hindi papayag ang Malacañang na makapasok sa bansa sina International Criminal Court (ICC) Prosecutor Fatou Bensouda at United Nations Rapporteur Agnes Callamard para imbestigahan ang umano’y nangyayaring extra judicial killings dulot ng ‘war on drugs’ ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ay kahit pa pumayag ang Vice President at drug czar Leni Robredo.
Aniya, hindi pa man nakapupunta sa Pilipinas at nagsisimula ang pormal na imbestigasyon ay buo na ang konklusyon ng mga ito laban sa kampanya ng gobyerno kontra ilegal na droga.
Mas nais aniya ng pangulo ang mga open-minded at may objective ang mga dayuhang mag-iimbestiga sa drug war.
Sinabi naman ni Panelo na si Bensouda ay hindi maaring magtungo sa bansa para magsagawa ng imbestigasyon dahil lalabag ito sa batas ng ICC.
Nahaharap si Pangulong Duterte sa kasong crimes against humanity dahil sa madugong drug war sa bansa.