Mahaharap sa deportation proceedings ang sinumang mga banyaga o dayuhan na papasok sa bansa na magpapakita ng pekeng quarantine bookings.
Ito ang ibinabala ng Bureau of Immigration makaraang maglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na nagpapatigil pansamantala sa pagpasok ng mga dayuhan sa Pilipnas.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, batay sa resolusyon ng IATF, tanging mga Pilipino lamang ang papayagang makapasok sa bansa kasama ang kanilang asawa at anak basta’t may hawak silang valid visa.
Maaari ring papasukin ang mga dayuhang diplomat at mga miyembro ng international organizations gayundin ang kanilang dependents maging ang mga foreign seafarers para sa crew change basta’t may hawak din silang valid visa.
Papayagan din ng immigration ang pagpasok ng mga dayuhan kung emergency at kung ang kaso ay para sa humanitarian reason.
Dagdag pa ni Morenta, maaari ring papasukin sa bansa kung ang dayuhan ay kabilang sa medical repatriation na may endorsement mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) basta’t may hawak silang valid visa.