Tanging mga dayuhang may hawak na permanent o immigrant visa lamang ang papasukin sa Pilipinas simula sa a-primero ng Agosto.
Ito ang nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) matapos dagsain ng mga tawag at tanong ang kanilang mga tanggapan kaugnay ng inakalang muling pagbubukas ng bansa para sa lahat ng klase ng mga dayuhan.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, malinaw aniya sa ipinalabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force na tanging mga dayuhang may umiiral na long term visas ang maaaring makapasok ng Pilipinas.
Iginiit ni Morente, hindi pa rin papayagan ang pagpasok sa Pilipinas at agad na pababalikin sa pinagmulan nilang bansa ang mga dayuhang turista, non-immigrant visa holder at iba pang kategorya.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Immigration Port Operations Division Acting Chief Grifton Medina ang mga airlines na tiyaking malinaw nilang naipagbibigay alam sa kani-kanilang mga dayuhang customers ang bagong travel guidelines sa bansa.
Dagdag ni Morente, hindi rin nilang inaasahan ang biglaang pagtaas sa foreign arrivals sa bansa sa kabila ng pinaluwag na travel restrictions dahil tinatayang 15,000 lamang ang immigrant visa holders sa bansa.