Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan nagpaplanong bumyahe sa Pilipinas na hindi sila maaaring pumasok ng bansa kung walang kasamang Filipino citizens.
Ito’y matapos mapaulat ang pagkaka-deny sa pagpasok sa bansa ng ilang dayuhan na dumating sa mga paliparan dahil walang kasamang asawang, anak o magulang na Pilipino.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, obligasyon din ng mga airlines na tiyakin na ang kanilang mga pasaherong dayuhan ay papayagang makapasok sa bansa lalo’t may ipinatutupad na travel restrictions.
Magugunitang nagpatupad muli ng travel ban ang gobyerno sa mga dayuhan noong nakaraang buwan bunsod ng muling pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Naging epektibo ito mula ika-22 ng Marso at tatagal hanggang ika-21 ng Abril.