Libu-libong deboto ang lalahok sa prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno sa Maynila bilang bahagi ng pista ng Quiapo.
Magsisimula ang prusisyon sa Quiapo hanggang Luneta alas-11:00 ngayong umaga na inaasahang tatagal hanggang hapon.
Daan-daang replica na ng itim na poon na may iba’t ibang laki mula sa iba’t ibang lugar ang nakahanay sa labas ng simbahang ng Quiapo para sa taunang prusisyon.
Pinakamalaking replica na kabilang sa prusisyon ang Señor Lucas, na labing-apat (14) na talampakan ang taas mula Sta. Quiteria Caloocan City.
Ilang kalsada naman ang isinara tulad ng southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza hanggang Plaza Miranda at westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma Streets, simula alas-11:00 ng umaga.
Nagkusa rin ang mga nagtitinda sa Quiapo na pansamantalang baklasin ang kanilang paninda at lumipat ng lugar upang hindi makaabala sa daraanan ng prusisyon.
—-