Hindi napigilan ng pandemya ang mga mananampalatayang Katoliko sa pagsalubong nito sa mga Semana Santa simula ngayong araw, linggo ng palaspas.
Sa National Shrine of Our Lady of Perpetual Help na nasa Baclaran, Parañaque City, may ilan pa ring pinili na lamang manatili sa bahagi ng service road dahil limitado pa rin sa 10% kapasidad ang maaaring papasukin.
Bitbit ng mga deboto ang kani-kanilang mga palaspas para mabasbasan habang nakikinig sa ginagawang online mass sa loob ng simbahan.
Tuloy din ang pagbabasbas ng mga palaspas sa simbahan ng Quiapo sa lungsod ng Maynila ngayong unang araw ng mga Semana Santa.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Basilika Minore ng Quiapo, maaaring pabasbasan ng mga deboto ang kanilang mga palaspas anumang oras kahit matapos na ang mga mahal na araw upang pagbigyan ang hiling ng mga tao.
Gayunman, nilinaw ni Fr. Badong na tanging pagbabasbas lamang ng mga palaspas ang papayagan at walang public mass na gagawin sa halip, ito’y mapapanood lamang via online.