Hinimok ng isang pari ang mga deboto ng Itim na Nazareno na dumalo pa rin sa siyam na araw ng novena masses sa Quiapo church sa Maynila.
Sa kabila ito ng muling kanselasyon ng inaantabayanang traslasyon na magaganap dapat sa January 9 nang taong 2023.
Sa panayam ng DWIZ kay Father Earl Allyson Valdez, attached priest ng Quiapo church, inanyayahan nito ang mga deboto na hindi lang sa Enero 9 magtungo sa Quiapo, kundi maging sa Disyembre 31 hanggang Enero 8 na petsa ng novena.
Ito ay para makaiwas sa inaasahang dagsa ng mga tao lalo’t posible pa rin ang hawaan dahil sa COVID-19 pandemic.
Kung nais po nilang bisitahin ang simbahan ng Quiapo, magdasal doon, makiisa sa pagdiriwang ng kapistahan ay maaring-maari pa rin kayong tumungo. Alam naman natin ang debosyon naman po natin ay hindi lamang sa prusisyon…maraming pamamaraan upang magbigay-pugay sa ating mahal na poong Jesus Nazareno…nariyan naman po ang pagbibigay-pugay makapipila pa rin po tayo dito sa simbahan at sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Ang pahayag ni Father Earl Allyson Valdez, attached priest ng Quiapo church sa panayam ng DWIZ